June 25, 2022 - 3:19:16 pm
dct-logo
Bakit sila?

Ni: Thirdy Nacana / Ang Pahina

Ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa kung saan ang bawat Pilipino ay may mga karapatang tinatamasa. Isa sa mga karapatan na ito ay ang pumili kung sino ang nais nilang iboto na mamumuno sa kanilang bansa. Ang mga ganitong usapin ay tunay ngang matunog sapagkat nakasalalay dito ang magiging hinaharap ng bansang Pilipinas. Kaya bata pa man ay maaga nang itinuturo kung ano ang kahalagan nito, sa mga paaralan ay maagang sinasanay ang mga estudyante sa ganitong sistema, kung saan sila ay pumipili ng mga namumukod na mga estudyante na sa tingin nila ay makatutulong at mamumuno sa kanila. 


Nitong Agosto nang magsimula ang bagong taong pang-akademiko sa Dominican College of Tarlac (DCT) sa pamamagitan pa din ng blended learning system, dahil na rin sa patuloy pa rin na paglaganap ng virus sa ating bansa. Datapwa’t gayon pa man ay ibinalik na ang mga dating aktibidad at mga extracurricular na nawala noong nakaraang taon. Nagkaroon ng organization day kung saan hinayaan ang mga mag-aaral na mamili ng kanilang nais na salihan na organisasyon. Isa ang Supreme Student Government (SSG) ng Senior High School department ang tumanggap ng mga aplikante para sa mga posisyon na maari nilang takbuhan. Ang mga nahalal ay magkakaroon ng malaking gampanin sa ating paaralan, kung saan sila ang magiging tenga at bibig, makikinig sa lahat ng hinaing at suhestyon, sila ay nagsisilbing boses ng mga estudyante sa ano man ang nais nilang maisatinig. 


Copy of Unnamed Design (6)

Hindi tulad ng ating nakasanayan na eleksyon ang paraan nang pagpili ng mga tatayong SSG Governors ngayong taon. Mas pinili ng SHS Supreme Student Government na magtalaga na lamang imbes na magkaroon pa ng eleksyon sapagkat dahil na rin sa ating kasalukuyang kondisyon kung saan limitado ang mga aktibidad na maaari nating gawin. Ang pagpili ng mga estudyante para sa bawat posisyon ay idinaan sa masusing proseso. Ang unang paraan ay ang pagfill out ng registration form noong August 17, 2021. Ang huling hakbang naman ay ang interview kung saan may rubric na pinag basehan ang mga SSG adviser para matukoy kung sino ang mga karapat dapat na mailuklok sa bawat puwesto. Pagkatapos ng mabusising pagkilatis at pagbibigay grado na sa mga aplikante na ibinase sa rubriks, ay pormal ng inanunsyo ng SSG Senior High School Department sa kanilang Facebook page ang mga bagong nailuklok na SSG Governors. 


Nang dahil sa pandemya, ipinagpaliban muna ang eleksyon at sila ay nagtalaga na lamang ng mga taong mamumuno. Ang ganitong paraan ng pagpili ay angkop lamang sa maliliit na organisasyon at paaralan. Gayunpaman, kung virtual setup pa rin sa susunod na taon, mas mainam na gumawa ang paaralan ng paraan na magkaroon ng malinis at patas na eleksyon upang magamit ng mga mag-aaral ang kanilang kalayaan na pumili ng mga taong uupo sa posisyon. Ito ay makakatulong upang mahasa ang kasanayan ng mga mag-aaral sa sistema na ipinapatupad sa bansa.. 


HOMEPAGE
OPINYON