September 25, 2022 - 4:49:59 pm
dct-logo
Column: Ginintuang Butil

Ni: Alfred Capio / Ang Pahina

rice-nature-food-plant

Image from https://www.da.gov.ph/phl-agri-sectors-resilience-paves-way-to-all-time-palay-yield-of-19-44-mmt-in-2020/

Isa sa pangunahing produkto na mayroon ang Pilipinas ay ang palay. Hindi lingid sa ating kaalaman na ito rin ang pangunahing pangangailangan na produkto ng bawat tao. Umaabot hanggang anim na buwan ang paghihintay ng mga magsasaka bago nila anihin ang itinanim nilang palay. Ngunit marami pang pagdadaanang pagsubok bago ito makuha gaya na lamang ng tagtuyot na magdudulot nang pagkatuyo ng mga pananim sa kanilang mga sakahan. Subalit, nitong taong 2019 sa ika-labing apat ng Pebrero saktong araw ng mga puso, ito rin ang araw na pagtalikod ng pamahalaan sa mga magsasaka na nagpapakain sa bawat pamilyang Pilipino. Sa araw na iyon, lahat nagmamahal, palay lamang ang hindi. 


Ang mga magsasaka ang labis na naapektuhan sa mababang presyo ng palay, sapagkat ilang buwan ang kanilang ginugugol para lamang may maani at may mapakain sa milyong-milyong Pilipino. Ang pagtatanim ng palay ang kanilang pangunahing pinagkakakitaan, kaya naman labis silang nadismaya nang malaman nila kung gaano kababa ang presyo ng palay. Sa bayan ng Capas, kung saan makakakita ng ekta-ektaryang sakahan ay kabilang sila sa labis na naapektuhan sa mababang presyo ng palay na umabot lamang sa 11 pesos kada kilo. Naitala rin ang presyong ito sa buong Central Luzon, na isa sa mga lugar kung saan marami ang sakahan. Marami nga ang nagsasabi na kung gaano kamahal ang presyo ng bigas, yun ay ang kabaliktarang presyo ng palay.


May mga nagsaad sa publiko na hindi raw masama ang mababang presyo ng palay. Pero paano ang mga magsasaka na dugo at pawis ang kanilang inilaan para lamang makapagtanim ng palay. Hindi ba sila kabilang sa ekonomiya? Paano ang ekonomiya ng mga magsasaka na wala silang halos kinikita sa pagtatanim nila ng palay? Kung ating susuriin, sila ay luging lugi na. Habang ang mga bigas na galing sa ibang bansa ay mahal ang presyo sa merkado, sa kabilang banda, ang lokal na magsasaka ay kinakawawa sapagkat sobrang baba at tinatawaran pa ang presyo ng kanilang palay. 


Farmers-2

Image from https://www.panaynews.net/rice-black-bugs-spread-to-five-more-towns/

Ang nakikitang suliranin ng maraming magsasaka ay ang ipinanukang batas noong ika-14 ng Pebrero taong 2019 na Republic Act no. 11203 o mas kilala bilang Rice Tariffication Law, nangako ang mga nagtulak ng Rice Tariffication Law (RTL) ng pagtaas ng ani, pagbaba ng mga gastos sa produksyon, at pagbaba din ng presyo ng bigas para sa mga konsyumer, pero kahit isa sa mga pangakong isinaad walang nasunod. Dahil sa Rice Tariffication Law maaari nang umangkat ang kahit sino ng bigas. Samakatuwid, kahit na marami ang bigas, marami rin ang umaangal sapagkat mahal pa rin ito na taliwas sa sinabi ng pamahalaan na magmumura dahil sa liberalisasyon ng pag-angkat ng bigas.


Nasaan kaya ngayon ang pinangakong pagpapababa sa gastusin ng produksyon? Hindi naman naging sapat ang pinag-usapang ayudang binhi at pataba na nakapaloob sa Rice Tariffication Law. Unang-una, ang binibigyan lamang ng ayuda ay pawang mga nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Kulang na kulang ang database na ito dahil ang kadalasang nakalista lamang ay mga kalalakihan o ang mga may-ari ng lupa. Paano ang mga nakikisaka lamang at hindi nakalista rito? Sila ang totoong nangangailangan nang suporta mula sa pamahalaan.

rice-tarrification-law-protest-feb192019-006

Image by Maria Tan via [https://www.rappler.com/business/224960-farmers-contest-rice-tariffication-law-hours-before-implementing-rules-regulations-signing/


Isang pagpupulong ang naganap noong ika-13 ng Pebrero taong 2020 tungkol sa Rice Farmer Financial Assistance Program ng Kagawaran ng Agrikultura na pinangunahan ni Gobernador Susan Yap. Layunin ng pagpupulong na iyon na tulungan ang mga magsasaka na labis na naapektuhan sa Rice Tariffication Law. Sa kanyang mensahe sa pagpupulong, sinabi ni Gobernador Susan Yap na ang tulong pinansyal ay maliit mang halaga subalit malaking tulong na ito para sa mga magsasaka upang kahit papaano ay mabawasan ang malaking epekto na naidudulot ng RTL.


Ang bawat butil na itinanim ng mga magsasaka ay parang katumbas nang isang ginto na dapat alam ng karamihan. Hindi biro ang pagsasaka sa ilalim ng nagngangalit na araw. Minsan pa nga ay dahil sa mga bagyo nasisira ang mga pananim nila sa sakahan, umulan man o umaraw sila ay nag-aararo ng mga sakahan para lamang may pagtamnan ng palay. Kaya atin ding pakatandaan ang katagang, “bawat butil ng bigas ay mahalaga,” dahil hindi natin alam kung gaano kahirap ang dinaranas ng mga magsasaka para lamang maani ang mga bigas na nakahain sa ating mga hapag kainan. Kaya nararapat na isaalang alang ng publiko ang karapatan ng mga magsasaka na matamasa nila ang nararapat na presyo ng kanilang itinanim na ginintuang buti.

HOMEPAGE
SIYENSYA