Ni: Nishin Pacifico / Ang Pahina

Image by Analy Labor via https://tribune.net.ph/index.php/2020/07/26/no-filipino-child-left-behind/
Magdadalawang taon na simula nang sumailalim tayo sa Distance Learning. Kung saan ang dating tayong mga mag-aaral ay gigising ng maaga, ngayon kahit bagong bukas palang ng ating mga mata ay kayang-kaya na nating makinig sa talakayan. Marami ang nahirapan, isa na rin ako. Mayroong 4.4 milyon na bata o mag-aaral ang hindi nag-enroll sa dumaang school year 2020-2021 dahil sa biglang pagbago nang paraan o sa tinawag na New Distance Learning ayon sa isang isinagawang survey.
Ang bawat isa sa atin ay humaharap sa kani-kaniyang pagsubok. Maging ang mga guro natin. Kung kaya’t maraming kabataan ang tumutulak na muling ibalik o magkaroon muli ng face-to-face classes. Muli, isa ako sa mga ito. “#AcademicFreeze at #LigtasNaBalikEskwela” ang mga sigaw nating mga kabataan noong nakaraang taon. Sa pag-iisip na maraming katulad nating estudyante ang maiiwan. At hindi naman tayo nagkamali sapagkat 13% sa edad na 16-17 taong gulang, 4% sa 12-15 taong gulang at 3% naman sa mga 7 hanggang 11 taong gulang na mga bata ang hindi nakapagaral noong nakaraang school year.
Samantala, bilang isang mag-aaral, laking tuwa ko nang marinig at malaman na possible nang ibalik ang face-to-face learning. Bagama’t nakakapagod man ang pagbibiyahe at pag gising ng maaga, tila mas nakakapagod pa nga ang online class. Iba pa rin talaga ang tawanan sa loob ng silid-aralan, pagkain sa labas ng paaralan at makasama ang mga kamag-aral.