September 25, 2022 - 8:30:04 pm
dct-logo
Hingang Malalim

Ni: Paula Escoto Santos / Ang Pahina


BronzeCourteousBordercollie-size_restricted

GIF By Irene Lee via https://greatist.com/happiness/breathing-exercises-relax

Kasabay ng paglaganap ng Corona Virus Disease (2019), naging usapan din ang epekto nito hindi lamang sa pisikal na kalusugan ngunit sa mental din. Alam naman nating ang mental na kalusugan ay isa sa mga susi kung paano malalabanan at malalagpasan ang mga pagsubok na hatid sa atin ng mga naging pagbabago sa ating lipunan ngayon, ngunit paano tayo lalaban kung pati ang susi natin upang maging matatag ay tinangay na ng alon sa dagat?


Masayang mga karanasan sa paaralan, lagi lagi kong binabalikan, iba pa rin ang saya sa loob ng apat na sulok na silid aralan na puno ng tawanan at kwentuhan hindi ba? Simula nang mag-aral tayo sa pamamagitan ng bagong mga paraan upang maiwasan ang pagkalat ng virus, nag-iba ang lahat, ang apat na sulok na silid-aralan ngayon ay naging apat na sulok na kwarto na lang. Kung noon gigising nang maaga dahil magbabyahe pa, ngayon ay gigising na lang sa oras na mismong papasok na. Ang dating malakas na kwentuhan, asaran at tawanan ay unti unti ng humihina, sa sobrang paghina ay hindi mo na marinig. Ang madalas na pagtaas ng kamay ay napalitan ng “offcam at mute”. Ang mga proyektong madalas ay ginagawa ng sama-sama ngayon ay tinatapos na lang ng mag-isa, naging isang malaking pagsubok ito para sa ating mga mag-aaral. Para tayong isang turista, na bumisita sa isang sikat na isla, magandang mga tanawin at malinaw na tubig ang pawang nakikita, ngunit nang sinubukan nitong sumisid mga magagandang bagay rin ang nakikita, ngunit nang mag tagal ay nakaramdam na ito ng pagkaubos ng kaniyang hininga, napunta sa malalim at madilim na ang kaniyang nakikita. Naakit sa tanawing kay ganda, ngunit hindi alam kung saan ka idadala.


Naranasan mo na bang malunod? Yung tipong hindi ka maka-ahon kahit marunong ka namang lumangoy? Nawawalan ka na ng hininga ngunit hindi ka maka-laban, wala kang maramdaman kung hindi ang hampas ng mga alon ng kawalan. 


Iilan lamang iyan sa mga nararanasan ngayon ng karamihan sa mga kabataan-- depresyon, anxiety, stress na dala ng mga nangyayari sa lipunan. Patuloy tayong nalulunod, hindi maka-ahon, takot humingi ng tulong, takot mahusgahan ng lipunang itinuturing na biro ang kondisyong ito. Patuloy tayong lumalaban kahit hindi tayo buo, unti-unti tayong nauubos dahil sa mga nararanasan natin ngayon. Nakakulong sa madilim na silid, walang mahanap na kandila o posporo na mag sisilbing ilaw pag-asa. Sumisigaw ngunit walang tunog na lumalabas, nakikinig ngunit walang tumatatak. Hindi biro ang epekto ng mga pangyayari ngayon sa mental na kalusugan, lalo na sa mga kabataan na patuloy na lumalaban para sa mga pangarap na nais makamit kahit na mahirap. 


Kaya mo yan” “Laban lang” “Huwag mong kalimutan huminga”, mga salitang madalas natin marinig sa mga taga-suporta ng isang atleta, ngunit mas madalas na itong ginagamit upang patatagin ang mga nalulunod na kaisipan ng mga kabataang pinipilit na labanan ang mga gumugulo sa kanilang isipan. Hindi biro ang makaranas ng ganiyan at hindi rin dapat isinasa-walang bahala lamang. Marami sa mga kabataan ang hindi makapag-pokus sa kanilang pag-aaral dahil marami ang gumugulo sa kanilang isipan, marami rin ang pinipiling tumigil muna dahil hindi nila kaya. Kaya maging ang minimithi nila ay isinasama at tinatabunan na ng mga malalaking alon. Malaki ang gampanin ng mental na kalusugan sa kung paano mamuhay ang isang tao kaya nawa’y matutuhan nating pahalagahan ito, maging bukas ang ating kaisipan upang handa tayong tumulong sa mga nangangailangan. 


Hinga lang, dahil kung panghihinaan ka ng loob at hindi na lalaban, sino ang gagawa para sa iyo? Hahayaan mo bang ang madilim mong nakikita ay magiging pang habang buhay na? Papayag ka bang ang mga hindi napapagod na mga pangyayaring tumatakbo sa isip mo ang pipigil sa paghinga mo? Hindi mo ba kayang wasakin ang madilim na kwartong pumipigil sa iyo? Huminga kang malalim at subukang lumangoy muli baka sakaling sa pagkakataong ito kakayin mo. Subok lang ng subok dahil habang hinahayaan mo ang sarili mong nariyan ka sa ganiyang sitwasyon lalong lumalalim at dumidilim ang lugar na pinupuntahan mo, mas bababa ang posibilidad na masilayan mong muli ang lugar na sa ngayon ay nakakubli. Humingang malalim at sabay sabay nating langhapin ang pag-asang sa atin ay darating, langoy lang hanggang marating nating muli ang dalampasigan kasama ang mga kapwa mo estudyante na nalunod din sa kawalan. 


Huwag kang magpadala sa agos ng dagat na dadalhin ka at ililigaw sa tamang landas. Dahil ang pagka-lunod ay isang sanhi ng pagkawala ng isang buhay gayundin ang depression, anxiety, stress at iba pa. Huwag mong hayaang malunod ang iba, gayundin ang iyong sarili.


Kaya naman, naranasan mo na bang malunod?

HOMEPAGE
LATHALAIN