September 25, 2022 - 8:08:45 pm
dct-logo
Isa, Dalawa, Takbo!

Ni: Margie Dimalanta / Ang Pahina


Puhunan ay katatagan at determinasyon hindi sa lakas o enerhiyang nakaipon.


Ang sitwasyon natin ngayon ay labis na nagpapabalisa at nagpapatakot sa mga kabataan. Ang hindi inaasahan at napaghandaang pagsubok ang unti unting bumubura sa pag-asang makakarating pa sa "finish line" nang may kasama. Sa bawat pagbagal ng takbo at paghinto ay until unti ng napagiiwanan at natatalo. Ngunit paano kung kilometro pa lang ay tagaktak ka nang pawis? Anong gagawin mo kapag natapilok o nadapa? Ano ang gagawin kapag nakaramdam ng uhaw?

Off_they_go._There_had_been_a_false_start_and_the_runner_was_shown_a_great_big_red_card_then_marched_off._So_mean._(7745214550)

Image from https://en.wikipedia.org/wiki/False_start

Isang kompitisyong mapipilitan kang sumali ang nagpahingal sa mga estudyante ngayon, isang karerang may maraming bato, malawak at tila ba ay walang hangganan. May paraan at solusyon kung paano ito malalampasan ngunit limitado lang ang may kaya at nakakaalam. Madaling lagpasan kung lilipad ka na lang tulad ng eroplano. Humakbang ng tila may higanteng paa o magpapatangay at sasakay sa lubid upang makatawid. 


Katulad ng mga nararanasan ng mga estudyante ngayon, hingal na hingal na sila sa pagtakbong hindi alam ang patutunguhan, may iba't ibang kalahok na kasali, may handa at may hindi. Pagsubok na dumarating na nagiging dahilan ng pagkadapa, paghinto at pagkahuli. Katulad ng mga estudyante nadadapa sila dahil sa kawalan ng "internet connection", humihinto dahil walang gadget at pagkahuli sa kadahilanang may problema sa pamilya. Sa loob ng klase ganoon ang kanilang nararanasan, may bigla bigla na lang nawawala sa sesyon, may mga parang robot na hinto nang hinto kung magsalita, ang iba tila kasali sa "stop dance" humihinto sa hindi inaasahang panahon. Maingay ang sa iba na tila ba ay may fiesta, may malidim at masikip na lugar na may nagsisigawan at nag-aaway. Paano sila sasabay sa pagtakbo kung ang nararanasan nila ay di katulad ng sa iyo? May lubid na sa kaniya ay nakatali na humihila pabalik na kahit anong gawin niyang pag-alis ay hindi siya makawala. 


Kaya kung hindi ka makatakbo, lakad lang muna. Kung hindi ka makasabay ngayon pwede ka pang sumali sa susunod na hamon, kung pagod ka huminto ka at uminom, kung madadapa ka subukan at pagpilitan mong tumayo dahil may pag-asa ka pang manalo at makarating sa dulo ng mga pagsubok na pinagdadaanan. Dahil kung patuloy kang panghihinaan ng loob, kailan mo pa matatapos ang daang dinadaanan mo? Humawak ka sa mga kasama mo, humingi ka ng tulong, dahil kung matatapos nilang takbuhin ang walang hanggang daan, sino pa ang makakasalubong mo na tutulong sa iyo? 


"Takbo! Bilisan mo!" mga katagang alam kong naririnig mo sa paligid mo, na pilit na nagpapaalala at nagpapahirap ng takbo mo. Takpan mo muna ang tenga, upang mapakinggan ang sarili mong sinasabi at pinaniniwalaan. Dahil kung sila ang kokontrol sa pagtakbo mo paano nila makikita ang dinadaanan mo? Paano nila alam kung ano nang nararamdaman mo? Ikaw ang nasa sitwasyon, kaya ikaw ang kumontrol sa paa mo kung saang direksyon ang kakayinin mo. 


Huwag kang sasakay sa lubid upang tapusin ang takbo, hakbang ka ng normal na hindi tulad ng higante, huwag mong hayaang liparin ka ng mga iniisip mo. Maging matatag ka, maging determinado dahil iyon ang solusyon upang malampasan ang karerang sinalihan mo. Ikaw, sa tingin mo gaano ka na kalayo?

HOMEPAGE
LATHALAIN