June 25, 2022 - 4:07:12 pm
dct-logo
Modernong Teknolohiya; Katulong sa Pagpapanatili ng Kaligtasan ng Bawat Isa

Ni: Alfred Capio / Ang Pahina

Labis na nagulantang ang sangkatauhan sa biglaang paglanap ng isang pandemya sa buong mundo. Dala nito ay takot at pangamba sa sangkatauhan na magpapabago sa sistema ng pamumuhay ng mga tao. Ayon sa World Health Organization (WHO) nagsimula ito sa hindi maipaliwanag na pulmonya na nakitaan sa Wuhan, Hubei Province sa China noong ika – 31 ng Disyembre sa taong 2019. Ang novel coronavirus na ito ay nakahawa ng mahigit 243 milyong tao, at 4.94 milyong tao naman ang binawian ng buhay.


Sa patuloy na pagdami ng kumpirmadong kaso ng COVID-19, maraming dalubhasa sa teknolohiya ang naghahanap ng maaaring maging solusyon sa kinakaharap nating bangungot; ang pandemya. Isa na rito ay ang pagbuo sa Stay Safe app o StaySafe.ph, isa itong digital contact tracing app na inilunsad ng pamahalaan ng Pilipinas noong ika – 3 ng Setyembre taong 2020 bilang tugon sa pandemyang COVID-19. Ang mobile app na ito ay binuo ng MultiSys Technologies Corporation sa pakikipagtulungan ng Smart, PLDT Enterprise at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

staysafe ph app features

Image from https://www.itacloban.com/2021/06/Staysafe-PH-app-qr-code-registration.html

Ang StaySafe.ph app ay nasa pamamalakad na ng gobyerno noong ika – 3 ng Marso sa taong kasalukuyan. Samakatuwid, ito ay pagmamay-ari ng Kagawaran ng Interior and Local Government (DILG) at suportado ito ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at ng Kagawaran ng Impormasyon, Komunikasyon, at Teknolohiya (DICT).


Pinayuhan ng DILG ang mga Local Government Unit at ang pangkalahatang publiko na mas mainam gamitin ang StaySafe.ph app upang masiguradong nasusunod ang isang metrong distansya o social distancing sa bansa sa gitna ng tumataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19. Sinabi ni DILG Officer-In-Charge Bernardo Florece Jr. na ang online application na ito ay isang mabisang kasangkapan para sa contact tracing sa buong bansa at upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Dagdag pa niya, ang paggamit ng StaySafe.ph app ay gagawing mas madali para sa mga awtoridad at mga dalubhasa sa medikal na subaybayan ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa at maisakatuparan ang pagkilos upang hadlangan ang mabilis na pagkalat ng virus.


Sa paggamit ng StaySafe.ph app ay kailangan munang mag-download ng StaySafe.ph app mula sa Google Play o App Store at maaari ding bisitahin ang https://www.staysafe.ph/. Kinakailangan munang magparehistro gamit ang aktibong numero ng iyong cellphone. Ang StaySafe.ph app ay nagtataglay ng mga katangian ng sumusunod: Pag-uulat ng kondisyon ng kalusugan, sistema ng Social Distancing, mga update tungkol sa COVID-19, Contact Tracing, at mabilisang pagpapakalat ng impormasyon galing sa Local Government Unit (LGU). Ginagamitan ang mobile app na ito ng Bluetooth system sa pamamagitan ng (Google / Apple) Exposure Notification (GAEN). Ang StaySafe ay nagtataglay rin ng katangian na Global Positioning System (GPS). Sa ilalim ng mga gumagamit ng Stay Safe app ay aabisuhan kung sila ay nakasalamuha sa isang gumagamit na positibo sa COVID-19. Isa sa mga gumagamit nang StaySafe.ph app ay ang institusyong Dominican College of Tarlac, ito ay kadalasang ginagamit kapag kuhanan na ng mga modules o may mga mahalagang transaksyon sa loob ng paaralan upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa at mapabilis ang proseso ng Contact Tracing.

staysafe ph app_step 1 exposure notification

Image from https://www.itacloban.com/2021/06/Staysafe-PH-app-qr-code-registration.html

Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, mula ika – 3 ng Enero sa taong 2020 hanggang ika - 23 ng Oktubre sa taong kasalukuyan ay mayroong naitalang 2,745,889 kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 na patuloy pa rin sa pagdami at 41,520 naman ang kumpirmadong binawian ng buhay.


Hindi na mabilang sa ating mga kamay ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 kada araw sa ating bansa. Bilang mamamayan ng ating bansa, ang tanging tulong na maari natin mabigay ay ang pagsunod sa mga ipinanukalang safety protocols kagaya ng pagsuot ng Facemask, Faceshield, at isang metrong distansya. Mas mainam na gumamit tayo ng nilikhang aplikasyon gamit ang modernong teknolohiya gaya ng StaySafe.ph app upang maging alerto at ligtas tayo sa bawat oras. Kung wala rin namang mahalagang gagawin sa labas ay mas mainam nang manatili nalang sa ating mga tahanan. Sa tatlong taon na bangungot na idinulot ng pandemya, naging susi naman ang modernong teknolohiya upang masigurong ligtas ang bawat isa sa panganib na maaaring maging sanhi ng pandemyg.

HOMEPAGE
SIYENSYA