June 25, 2022 - 3:01:19 pm
dct-logo
Paniniwala: Magsasalba sa Bangungot ng Pandemya

Ni: Alfred Capio / Ang Pahina


Sinakop ng pangamba ang mundo ng isang pandemya na hindi natin inaasahan na magdudulot ng isang mapaminsalang unos. Nagsimula lamang ito sa hindi maipaliwanag na Pulmonya sa China, subalit hindi inaasahang kakalat ito sa buong mundo. Nitong Enero taong 2020, unang naitala ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ngunit habang lumilipas ang ilang buwan patuloy sa pagtaas ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 hanggang umabot na ito sa mahigit 2.6 milyon. Marami sa atin ang nataranta at naghahanap ng maaaring maging lunas kung sakaling matamaan tayo ng COVID-19. Subalit handa ka bang paniwalaan ang isang bagay na hindi mo alam ang magiging kahihinatnan?

steam-tuob

1. Tuob 

Image from https://www.tempo.com.ph/2020/05/24/cebu-covid-patients-turn-to-traditional-remedies/

Nang pumutok ang balita tungkol sa pandemya, maraming iba’t ibang alternatibong lunas para sa COVID-19 ang nagsilabasan gaya na lamang ng Tu-ob, isa itong paraan kung saan magpapakulo ng tubig na may kasamang asin at pagkatapos ay kailangang kumuha ng tuwalya o kumot upang ibalot ang sarili at langhapin ang singaw na nagmumula sa pinakuluang tubig. Subalit ayon sa mga eksperto, walang siyentipikong ebidensya  na nagpapatunay na ang paglanghap ng singaw na may asin, lemon, at iba pang mga sangkap, ay maaaring makapatay sa virus na COVID-19. Ayon sa World Health Organization (WHO) at ng US Centers for Disease Control, ang gawaing ito ay maaari ring maging sanhi ng mga aksidente tulad ng pagkasunog ng balat. Subalit maraming mga tao ang gumagawa ng paraang ito at wala pa namang napabalitang may nangyaring masama sakanila.

RNm0KceQ4Gbpb0xldOe7_DSC_0679_2

2. Saging 

Image by Lotte Löhr via https://unsplash.com/photos/FY7wWMvqdQ0

Isa naman sa mga kumalat sa Internet ay ang pagkain ng Saging upang labanan ang COVID-19. Ayon sa WHO, “Masustansyang pagkain ang saging na mayroong fiber, bitamina at mga micronutrient. Ngunit, walang ebidensya na nagbibigay proteksyon ang saging laban sa coronavirus”. Dapat nating isaisip na hindi lahat ng makikita natin sa Internet o Social Media ay pawang katotohanan, huwag tayong papakain sa sistema ng pagkakalat ng mga maling impormasyon, nararapat na maging mapanuri sa mga nababasa at napapanood.


lianhua-ivermectin

3. Lianhua Qingwen at Ivermectin. 

Image from https://palawan-news.com/city-health-official-not-recommending-ivermectin-and-lianhua-for-covid-19-treatment/

Kasama rin sa mga napabalitang lunas sa COVID-19 ay ang Lianhua Qingwen at Ivermectin. Nais linawin ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at ng Food and Drug Administration (FDA) na ang Lianhua Qingwen ay isang gamot na reseta na inaprubahan ng FDA sa Pilipinas ngunit hindi nakarehistro bilang isang gamot sa COVID-19. Ayon sa Republic Act 3720, ang papel na ginagampanan ng FDA ay upang lisensyahan, subaybayan, at pangalagaan ang mga gamot tulad ng Lianhua Qingwen para sa kaligtasan ng bawat Pilipino. 


Ang Ivermectin ay ginagamit upang gamutin ang mga impeksyon sa katawan na sanhi ng ilang mga parasite, kasama sa listahan ng mahahalagang gamot ng World Health Organization (WHO) para sa mga sakit na parasitic. Ang kasalukuyang katibayan sa paggamit ng Ivermectin upang gamutin ang mga pasyente ng COVID-19 ay hindi tiyak, hanggang wala pang matibay na ebidensya, kaya inirerekomenda ng WHO na ang gamot ay magagamit lamang sa loob ng mga clinical trials. 


Untitled design (5)

Nakasanayan na kasi nating mga Pilipino ang maniwala sa katagang, ”Wala namang mawawala kung susubukan mo” pero nararapat lamang na alamin natin kung ito ba ay magkakaroon ng mabuti o masamang epekto sa atin, mas maiging kumunsulta sa mga dalubhasa o mga propesyonal pagdating sa siyensya at sa kalusugan gaya ng mga doktor upang masigurado natin na ligtas ang ating kalusugan. 


Mas mainam na maniwala tayo sa mga hakbang sa pag-iingat o mga precautionary measures na ipinanukala ng pamahalaan sa ating bansa na naglalayong masiguro ang ating kaligtasan tulad ng pagsuot ng Face Mask, Face Shield, isang metrong distansya sa mga taong nakakasalamuha, madalas at wastong paghuhugas ng kamay at iba pang mga safety protocols.


Sa dami nang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 marahil hindi nakakagulat na ang ilang mga tao ay naghahanap ng alternatibong lunas o mga gamot na maaaring susupil sa COVID-19. Hindi masamang maniwala sa mga sabi-sabi basta isaalang-alang ang magiging kahihinatnan nito sa atin kung ito ba ay nakakabuti o nakakasama. Sabi nga, “Ang kalusugan ay kayamanan” kaya nararapat lamang na alagaan ang ating kalusugan, dahil ito rin ang magsisilbing pinakamahalagang instrumento na kakailanganin natin upang ipagpatuloy ang ating paglalakbay, magsisilbi itong tanglaw sa madilim na landas na ating tinatahak. 

HOMEPAGE
SIYENSYA