September 25, 2022 - 6:34:27 pm
dct-logo
Sa likod ng mataas na marka…

Ni: Thirdy Nacana / Ang Pahina

Nang magsimula ang bagong paraan ng pamumuhay ay napakalaking pag-aakma ang ginawa ng bawat isa sa hamon ng pandemyang ito. Isa sa pinaka naapektuhan ay ang sektor ng edukasyon kung saan inilatag ang mga alternatibong paraan upang maipagpatuloy pa rin ito kahit na nasa gitna tayo ng isang krisis. Ang online at modular learning ang humalili sa nakasanayan na gawi ng pag aaral, dahil nga bago palang sa atin ang dalawang uri na ito, ay sari-sari ang mga aberya at hinaing na mapahanggang sa ngayon ay patuloy pa din na nararanasan ng mga guro at estudyante. Idagdag pa rito ang hindi gaanong mabantayan at magabayan ng guro ang kanyang mga estudyante dahil sa distansya na namamagitan sa kanila. 


“Ginawa na namin ‘yan noon, papunta palang kayo, pabalik nako” isa iyan sa mga katagang kadalasang naririnig sa tuwing may pagsusulit o kaya naman ay mayroon ipinapagawa ang isang guro. Nais niyang ipabatid na kung ang isang estudyante man ay nagbabalak na mandaya ito ay kanyang malalaman dahil maging s’ya rin ay dinaanan ang ganitong mga bagay. Bago pa man kasi ang pandemya ay hindi na bago ang mga ganitong hamon o isyu ng pandaraya sa sistema ng edukasyon. Ngunit paano na lamang ngayon? Ganoong hindi pamilyar sa atin ang ganitong set up? 

 

Noong nakaraang buwan ay naibalita ang paglipana ng mga online group sa Facebook kung saan ang miyembro nito ay mga estudyanteng ipinopost ang kanilang mga gawain upang sila ay matulungan ng mga kapwa miyembro sa nasabing grupo. Isa sa mga may pinakamaraming miyembro ay ang “Online Kopyahan” tinatayang lagpas 600,000 ang mga miyembro na nabibilang rito bago pa man ito nabura, pero kahit nga ito ay nabura na ay marami pa rin ang mga ganitong klaseng grupo na madaling maaccess ng mga estudyante sa mga internet platforms. Lubos nga itong ikinabahala at ikinadismaya ng Department of Education (DepEd) sapagkat ang anumang uri ng pandaraya ay hindi nito ikokonsidera kahit sa anumang uri at klase ng pag-aaral ang ipinapatupad. 

Online-Kopyahan

Images from https://filipinotimes.net/latest-news/2021/09/18/fb-group-accused-of-encouraging-cheating-in-online-learning-tests/

Dahil nga sa nasabing balita ay pinaigting ang mga programa ng DepEd kontra sa mga ganitong uri ng bagay. Humingi na rin sila ng tulong sa mga social media platforms upang matigil na at malunasan ang mga ganitong paglabag ng mga estudyante. Maging sa mga guro at mga magulang nanawagan ang DepEd na gabayan at tulungan sila upang mapanatili ang mataas na kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Subalit ang mga ganitong klaseng suliranin ay tanging ang mga estudyante lamang ang makalulutas, nasa kanila pa din kung papanaigin nila ang kanilang moral at katapatan o mas pipiliin nilang dayain ang mataas na marka na nais nilang makuha. 


Maaaring napakahirap ang dinaranas ng ibang estudyante sa panahon ngayon lalo na at bago lamang ang sistemang ito at hindi gaanong pamilyar para sa ating mga Pilipino, ngunit kailanman ay hindi naging rason ang dayain at lokohin ang kapwa, pati na rin ang iyong sarili upang makakuha ng mataas na marka. Wala pa din makakatalo sa pakiramdam na aakyat ka sa entablado na alam mong pinaghirapan at pinag paguran mo ito

HOMEPAGE
OPINYON