September 25, 2022 - 8:24:23 pm
dct-logo
Talentadong Dominikano: Nakamamanghang Likha na Nagwaksi ng Tatak Pilipino

Ni: Cathleen Payumo / Ang Pahina

Buwan ng Agosto, buwan ng Wikang Filipino.

         

Paggising sa umaga ay masarap humigop ng mainit na kape habang nagbabasa, nakasaad sa dyaryong aking binabasa na dito sa Pilipinas, sa tuwing sasapit ang Agosto ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa. Ang pagdiriwang ng mga Pilipino sa ganitong uri ng selebrasyon ay nakabatay mula sa nilagdaan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos—Pampanguluhang Proklamasyon Bilang 1041, s. 1997 na nagsasaad na ang Agosto ay ikinokonsidera bilang Buwan ng Wikang Pambansa at Nasyonalismo. Dagdag pa rito, ayon sa Philippine Information Agency (PIA), ang nabanggit na Presidential Proclamation ay pagkilala raw sa halaga ng isang katutubong wika bilang kinakailangang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, pagkakaisa at pambansang kaunlaran. 

          

Pagkatapos magbasa ay binitawan muna ang dyaryo at dali daling namang hinawakan ang cellphone upang tignan ang isang abiso na naka-post sa Dominican College of Tarlac-Senior High School Department (DCT-SHS) facebook page. Alinsunod sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2021, ay naghanda ang DCT-SHS ng isang aktibidad para sa lahat ng mga mag-aaral ng Senior High School ito ay ang Kwentong ISang igLAP (KISLAP – Flash Fiction). Ang tema ng nasabing aktibidad ay “Nakukubling Kulay sa Lumang Gawang Tapayan: Naging totoo ka ba?” Ang KISLAP – Flash Fiction ay isang maikling kuwento lamang kaya ito’y madali lamang basahin. Ang pagsulat ng ganitong uri ng awtput ay hindi hihigit sa 150 salita. Batay sa pag-aaral ni Abdon M. Balde, Jr., ay napakaimportante raw na panatilihin ang ganitong bilang ng mga salita upang buo at lubos na matalakay ang paksa nang walang isinasakripisyong mahalagang katawan ng kuwento. Nakakagalak naman na kahit mayroong pandemya ay ramdam pa rin talaga ng mga mag-aaral ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika. 

Sumapit na ang oras upang ipamalas ang taglay na talento ng mga Dominikano.

          

Nitong ika-3 ng Setyembre, ipinalabas din sa DCT-SHS facebook page ang mga nagsipagwagi sa isinagawang patimpalak sa paglikha ng Kwentong ISang igLAP (KISLAP). Ang nakatanggap ng ikatlong gantimpala ay ang likha na may pamagat na “Cara Cruz” na binuo ng grupong “Tatsulok”, sa kabilang banda, ang grupong “Powerpuff Girls” na may likhang “Alpas” naman ang nakakuha ng ikalawang gantimpala, samantala, ang nakasungkit ng unang gantimpala ay ang likhang “Tala” na ginawa ng grupong “Hiraya”, bukod pa sa mga ito ay marami pang iba ang nakilahok sa patimpalak, ito ay sumasalamin na napaka-aktibo ng mga mag-aaral sa mga aktibidad na inihahanda ng paaralan. Tunay nga na nakamamangha ang talento ng mga Dominikano at kitang-kita sa resulta ang pagsisikap na ibinigay upang maging maganda ang kanilang mga likha.

Buwan ng Agosto, buwan ng Wikang Filipino. Bilang mga Dominikano, nararapat lamang na pahalagahan at ipagdiwang ang Wikang Filipino. Bilang mga mag-aaral, dapat itatak sa isip at puso na ito ang mahiwagang instrumento tungo sa isang bansang progresibo.

HOMEPAGE
LATHALAIN